-- Advertisements --

Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na susunod pa rin ang House of Representatives sa mga umiiral na alituntunin sa paghawak ng impeachment proceedings.

Ayon kay Adiong, ang impeachment ay isang seryosong mekanismong konstitusyunal at isasagawa ito ng Kamara sa maayos, transparent, at rules-based na paraan.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng tangkang paghahain ng mga militanteng grupo ng ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi opisyal na natanggap dahil wala sa tanggapan si Secretary General Cheloy Garafil, na nagtungo ng Taiwan para tumanggap ng parangal.

Bagama’t iniwan ng grupo ang kopya ng reklamo sa opisina ni Garafil, nilinaw ni Adiong na ang pansamantalang pagliban ng Secretary General ay hindi nakaaapekto sa konstitusyunal na proseso.

Aniya, kapag may pormal na naisumiteng reklamo, ito ay ire-refer sa Committee on Justice para sa pagsusuri ng sapat na nilalaman nito, nang walang
paunang paghusga sa resulta.

Sa ngayon, iisa pa lamang ang beripikado at duly endorsed na impeachment complaint laban sa Pangulo, ito ay ang inihain ng abogadong si Andre de Jesus noong Enero 19.

Inaasahang babalik sa trabaho si Garafil sa Lunes, Enero 26, kasabay ng pagbabalik-sesyon ng Kamara matapos ang holiday break.