Nanawagan ang Business Process Outsourcing (BPO) Industry Employees Network (BIEN Pilipinas) na palawakin ang work-from-home (WFH) arrangements para sa mga empleyado ng BPO upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Ayon sa grupo, ang pagtaas ng presyo ng langis ay agad nagdudulot ng pagmahal ng pamasahe, pagkain, kuryente at iba pang pangunahing bilihin, na lalo umanong nagpapahirap sa mga manggagawang araw-araw na nagko-commute at may nakapirming sahod.
Hinimok ng grupo ang pamahalaan at ang mga kumpanya sa information technology at business process management sector na palawakin ang WFH setup para sa mga trabahong maaaring gawin nang remote, dahil ito ang pinakamabilis na paraan upang mabawasan ang gastos sa araw-araw na biyahe ng mga empleyado.
Nanawagan din ang grupo na suspendihin ang excise tax at value-added tax sa fuel upang mabawasan ang epekto ng oil price hikes sa mga Pilipino.
Samantala, sinabi ng Federation of Free Workers na sinusuportahan nila ang flexible work arrangements tulad ng WFH o apat na araw na pasok sa trabaho sa loob ng isang linggo basta’t walang bawas sa sahod, walang sapilitang overtime, at may konsultasyon sa mga manggagawa.
Dagdag pa nila, dapat ding mabigyan ng proteksyon at benepisyo ang mga remote workers at suporta naman ang mga empleyadong hindi maaaring mag-WFH.
















