-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na wala siyang alam na anumang pressure mula sa mga senator-judge na naging dahilan ng pag-atras ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, si Trillanes mismo ang nagpasya na bawiin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga testigo at pinal na ang desisyong hindi siya ihaharap sa paglilitis.

Sinabi rin ni Luistro na matagal nang pinag-uusapan ng prosecution team kung kailangan pa ba ang testimonya ni Trillanes dahil marami pang testigo at dokumentong ihaharap kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Iginiit naman ng prosecution na hindi maaapektuhan ang kaso dahil bahagi na ng records ng impeachment court ang testimonya ni Trillanes sa House Committee on Justice.

Inaasahang susunod na haharap bilang testigo si Anti-Money Laundering Council Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura, kasama ang mga kinatawan ng mga bangko at financial institutions.