-- Advertisements --

Inabot ng apat na oras ang naging tapatan nina Belgian tennis player Sofia Costoulas at Slovakian star Viktoria Morvayova sa singles category ng nagpapatuloy na Philippine Women’s Open sa Women’s Tennis Association 125 (WTA 125) tournaments.

Hindi inalintana ng dalawa ang mahabang oras na pagbabalikan ng tennis ball dala ng mahigpit na kompetisyon kung saan unang naibulsa ni Costoulas ang 1st set sa score na 7-6.

Gumanti naman si Morvayova sa ikawalang set at itinabla ang laban (6-7).

Nagawa ni Morvayova na dominahin ang unang bahagi ng 2nd set ngunit kinalaunan ay hinabol ito ni Costoulas, 4-4. Gayunpaman, nanaig pa rin ang bilis ng Slovakian sa pagtatapos ng ikalawang set at tuluyang itinabla ang laban.

Inabot ng halos tatlong oras ang dalawang set ngunit naging mahigpit pa rin ang laban ng dalawa sa deciding set (3rd).

Dito ay pinilit pa rin ng Slovakian tennis player na dominahin ang laban ngunit sa pagtatapos ng set ay nanaig ang bilis ng Belgian star, 6-4.

Dahil sa panalo ni Costoulas, uusad na siya sa Round of 16 ng naturang torneyo. Hindi pa malinaw sa ngayon kung sino ang makakalaban ng Belgian star sa ikalawang elimination round.