Umakyat na sa quarterfinals ang Pinay tennis star na si Alex Eala matapos talunin kagabi ang Japanese tennis player na si Himeno Sakatsume sa Rizal Memorial Sports Complex sa nagpapatuloy na Philippine Women’s Open.
Hindi pinatagal ni alex ang laban sa kabila ng pisikalan na unang set kung saan naibulsa niya ang score na 6-4. Pagpasok kasi ng ikalawang set, walang kahirap-hirap na tinapos ito ni alex sa score na 6-0.
Makakaharap naman niya ang Colombian tennis player na si Camila Osorio sa quarterfinals mamayang gabi, Enero 29.
Si Osorio ay ika-84 sa world ranking (WTA) ngunit dati niyang naabot ang career high na World No. 33.
Nang matanong si Eala sa kaniyang susunod na makakalaban, sinabi niyang tiyak na magiging mas mahirap ito at mas lalong magiging pisikalan dahil sa bilis at liksi ni Osorio.
Mas marami rin aniya ang experience ni Osorio kumpara sa kaniya, kaya’t hindi niya inaalis ang posibilidad na mas magiging mahirap ang quarterfinals.
Kagagaling lamang ni Eala sa Australian Open kung saan ibang-iba ang klima roon kumpara dito sa Pilipinas.
Ayon kay Eala, malaking hamon ang mas mainit na temperatura dito sa Pilipinas dahil mas madalas pagpawisan kayat kailangan aniyang mas madalas na pagtuunan din ang hydration o pag-inom ng tubig.
Sa kabila nito, naniniwala si Eala na posibleng hindi naman ito bentahe para sa kaniya o sa mga kapwa Asian player, kungdi kailangan lamang na mag-adjust ng iba pang dumadayong player.
Si Eala na lamang ang natatanging Pilipino na naiiwan sa Philippine Women’s Open matapos matalo ang iba pang bagitong Filipino tennis player na sina Kaye Emana, Tennielle Madis, at Elizabeth Abarquez sa unang round.
















