Ipinagmalaki ng Malakanyang na nasa tamang direksiyon ang ekonomiya ng bansa, dahilan na nananatiling masigla at positibo ang takbo ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na malaking tulong din ang mga ipinatupad na repormang pang-ekonomiya ng administrasyon.
Ito ay batay sa naging ulat ng economic team sa Pangulo sa ginanap na 7th Economy and Development Council Meeting sa Malacañang.
Ipinagmamalaki na iniulat ni Castro na bumaba ang unemployment rate mula 10.3% noong 2020 tungo sa 4.7% noong 2025, habang ang underemployment rate ay bumaba rin mula 16.2% patungong 13.6% noong nakaraang taon palatandaan ng pagdami ng mas angkop at disenteng trabaho para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ng Palace official na ipinapakita din ng mga numero na epektibo ang mga programa ng pamahalaan sa paglikha ng trabaho at pagbawas ng kahirapan.
Batay sa datos, bumaba rin ng 2.4 milyong katao ang bilang ng mahihirap mula 2021 hanggang 2023, habang nananatiling manageable ang inflation rate sa bansa.
Aniya, mahigpit pa rin ang direktiba ng Pangulo sa mga concerned government agencies na tugunan ang flood control issues, climate change, at iba pang hamong panlabas, kasabay ng mas maayos na paggamit ng pondo ng bayan at mas pinalakas na ugnayang pang-ekonomiya sa ASEAN.










