Tumangging magkomento si Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima sa nilalaman ng dalawang impeachmenrt complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kahapon, Enero 26, nang naipasa sa House Committee on Justice ang dalawang reklamo, kasabay ng pagbabalik-sesyon ng Kamara de Representantes.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa mambabatas, natanong ito kung tatayo ba bilang matatag na impeachment complaint ang dalawang reklamo, at kung sapat ang nakapaloob na grounds sa mga ito.
Gayunpaman, tumanggi ang mambabatas na magkomento muna sa merito at sa grounds ng mga reklamo dahil kailangan aniyang talakayin muna ito ng naturang komite, na naatasang tukuyin kung sapat ang porma at nilalaman ng naturang reklamo.
Si De Lima ay isa sa mga ex-officio member ng Committee on Justice at ayon sa kaniya, posibleng ituring ng publiko na pre-judgement kung magkokomento na ang mga miyembro ng naturang komite ng hindi pa napag-aaralan at natatalakay ang nilalaman ng mga naturang reklamo.
















