Tiniyak ng Philippine Navy na sakop na ng umiiral na security measures ang Malampaya East-1 (MAE-1) matapos matukoy ang natural gas deposit sa lugar.
Ayon kay Navy spokesperson Capt. Marissa Arlene Martinez, mahigit isang dekada nang may continuous security presence sa Malampaya sa pamamagitan ng Joint Task Force Malampaya ng AFP Western Command gamit ang naval, air at special operations assets.
Giit ng Navy, mananatili itong nakatuon sa pagprotekta sa critical energy infrastructure at sa soberanya ng bansa. Ang MAE-1 ay nasa humigit-kumulang limang kilometro mula sa kasalukuyang Malampaya platform.
Sinabi naman ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ang Wescom ang nagmo-monitor sa lugar at handang tumugon sa anumang banta. Dagdag niya, handa ang AFP kung sakaling magkaroon ng operational surge mula sa China.
Binigyang-diin din ng Navy ang pagdating ng offshore patrol vessel BRP Rajah Sulayman (PS-20) bilang dagdag sa modernization efforts at maritime security capabilities ng bansa. (report by Bombo Jai)
















