-- Advertisements --

Pormal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Tourism Sec. Christina Garcia Frasco bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities, matapos ang ilang linggong espekulasyon hinggil sa kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Tourism.

Ayon sa Malacañang, inatasan ng Pangulo si Frasco na pangunahan ang pagpapalakas ng pagpapatupad at tuloy-tuloy na pagsasakatuparan ng mga prayoridad na pambansang programa sa antas ng komunidad, partikular sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad at climate-related risks.

Kasabay ng kaniyang bagong tungkulin, si DOT Undersecretary Verna Buensuceso ang magsisilbing officer-in-charge ng Department of Tourism upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng ahensya.

Ang appointment ni Frasco ay dumating sa gitna ng mga batikos na natanggap niya kaugnay sa umano’y “self-promotion” sa tourism materials ng gobyerno, bagay na mariin niyang itinanggi.

Sa kabila ng kontrobersya, nanatiling mataas ang tiwala ng Pangulo sa kaniyang kakayahan, dahilan upang italaga siya sa mas malawak na papel na nakatuon sa pagpapatatag ng mga komunidad.

Ang hakbang na ito ay nakikita bilang bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng administrasyon upang tugunan ang epekto ng climate change at extreme weather events sa bansa, lalo na’t kamakailan ay iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mas madalas na pagdanas ng matitinding bagyo at heat waves sa rehiyon.

Sa bagong posisyon, inaasahang magiging sentro si Frasco sa pagpapatupad ng mga programang pang-komunidad na magtataguyod ng katatagan at pagpapanatili ng kabuhayan ng mga Pilipino.