-- Advertisements --

Target ng House Committee on Justice na talakayin ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa darating na Ferbruary 2 hanggang February 4,2026.

Ayon kay House Committee on Justice Chairperson Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na kailangang i-consolidate ang mga impeachment complaints na isinasangguni sa komite, alinsunod sa patakaran at proseso ng Kamara.

Sinabi ni Luistro, ang konsolidasyon ay gagawin sa unang pagdinig ng komite at prerogatibo ito ng Justice Committee, hindi ng mga nagreklamo. Aniya, kapag na-consolidate na, ituturing ang mga reklamo bilang iisang kaso at sabay-sabay na tatalakayin.

Inihayag din ni Luistro para sa mga paunang pagdinig, tututok ito sa pagtukoy ng sufficiency in form at substance ng mga reklamo.

Kung kakailanganin, magtatakda pa ng karagdagang pagdinig sa mga susunod na linggo.

Dagdag niya, sa unang pagdinig ay inaasahang maghahain ng sponsorship speeches ang mga sponsor ng impeachment complaints bago simulan ang pormal na pagsusuri. 

Binigyang-diin din ni Luistro na may 60 session days ang komite, ayon sa impeachment rules ng Kamara, upang magsumite ng ulat, kaya’t hindi maaaring madaliin ang proseso.