-- Advertisements --

Inaasahang magsumite si Vice President Sara Duterte ng kaniyang tugon sa araw ng Lunes, Marso 16 sa dalawang impeachment complaints laban sa kaniya matapos ideklarang may sapat na porma at nilalaman.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Marso 14, inihayag ni House Committee on Justice member at Bicol Saro Representative Terry Ridon na matatapos na ang 10 araw na ibinigay ng komite sa Bise Presidente nitong weekend para sagutin ang mga reklamo laban sa kaniya.

Sakaling magsumite ng tugon ang Pangalawang Pangulo sa Lunes, sinabi ni Rep. Ridon na kanilang bibigyan ng pagkakataon ang panig ng mga mambabatas na nag-endorso sa mga reklamong impeachment at pagkatapos ay bibigyan din ng pagkakataon si VP Sara na magsumite ng kaniyang rejoinder.

Samantala, ayon kay Rep. Ridon, sakaling magsumite ng tugon ang Bise Presidente, tutukuyin ng Justice Committee kung “sufficient in grounds” ang impeachment complaints at inaaasahang idaraos ang hearing proper sa Abril 8.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na maaaring mapaikli ang magiging takbo ng impeachment process sakali man na hindi magsumite ng tugon si VP Sara sa araw ng Lunes.

Mariing pinabulaanan din ng mambabatas ang akusasyon ng Pangalawang Pangulo na isang “fishing expedition” ang impeachment proceedings laban sa kaniya.

“Kasi a ‘fishing expedition’ presupposes an absolute absence of documentation before proceeding with any impeachment. Hindi po ito totoo. So sa totoo lang, even if we don’t undertake subpoenas, the impeachment proceeding against the Vice President will in fact proceed. It is essentially complete,” saad ni Rep . Ridon.

Samantala, nakatakdang isagawa ang sunod na pagdinig ng Justice Committee sa araw ng Miyerkules, Marso 18.

Ayon kay Rep. Ridon, tatalakayin dito ang mosyon ni Rep. Chel Diokno kaugnay sa posibleng conflict of interest ng dalawang abogado ni VP Sara na sina dating Education ASec. for Procurement Atty. Reynold Munsayac at dating DepEd Spokersperson Michael Poa.