Welcome para kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang naitalang malaking pagbaba ng food poverty sa Pilipinas noong ika-apat na quarter ng 2025.
Batay sa resulta ng OCTA Research Tugon ng Masa (TNM) survey, nakikita ang paggaan ng pasanin ng maraming pamilyang Pilipino pagdating sa kanilang pang-araw-araw na pagkain.
Ang pagbaba ng food poverty ay naiuugnay sa mas madaling pagkuha o access ng mga pamilya sa mga pagkain at sa patuloy na pagiging matatag ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Ayon sa kalihim, ito ay resulta ng mga komprehensibong hakbang at estratehiya na ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon upang matugunan ang problema sa food poverty.
Ang mga hakbang na ito ay naglalayong mapanatili ang sapat at maayos na supply ng pagkain sa buong bansa, kasabay ng pagbibigay suporta sa parehong mga consumers o mamimili at producers o mga magsasaka at iba pang nagtatanim.
Binigyang-diin pa ng kalihim ang mabilis na pagpapalawak ng Rice Program na pinangununguhan ni Pangulong Marcos Jr.
Layon ng Rice Program ng gobyerno na maabot ang tinatayang 15 milyong pamilyang Pilipino ngayong taon.
Target naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapanatili ang ₱20 rice program hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa panunungkulan sa Hunyo ng 2028, upang masiguro ang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino sa abot-kayang bigas.
















