-- Advertisements --

LAOAG CITY – Anim na construction worker sa Barangay Tapao-tigue sa bayan ng Currimao dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ang nakuryente kung saan dalawa sa kanila ang namatay sa ipinapatayong Department of Agriculture building.

Kinilala ang mga nasawi na sina Lawrence Albino, 45 anyos, binata, residente ng Barangay Torre, Currimao, at Christopher Queddeng, 47 anyos, binata, residente ng Barangay Gaang, Currimao.

Kinilala ang apat na iba pa na nilalapatan ng lunas sa ospital na sina Rogelio Cardenas, Albert Comamo, Dexter Bagarino at Kalyl Antipolo.

Ayon kay P/Cpt. Melvin Soriano, hepe ng Currimao Municipal Police Station, habang inililipat ng mga nasabing mga construction workers ang four layered scaffolding na ginagamit nilang pundasyon ng ginagawang construction warehouse nang bigla itong tumagilid at aksidenteng nahawakan ang 3 phase primary line o ang live wire na naging sanhi ng pagkakakuryente.

Dead on spot sina Albino at Queddeng habang ang iba pang mga biktima ay dinala sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac para magamot.

Dalawang construction worker umano ang dumikit sa scaffolding habang ang iba ay tumalsik.

Samantala, ipinaalam naman ni Mayor Edward Quilala ng Currimao na bibigyan ng tulong ang mga pamilya ng mga biktima.