Magtatayo ng Bayanihan Village ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang magsilbing pansamantalang tirahan ng mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Basyang sa lungsod ng Iligan.
Kasunod ito ng naging pagpupulong nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at Iligan City Mayor Frederick Siao, kung saan ipinangako ng kalihim ang agarang pagpapadala ng hindi bababa sa 100 modular shelter units (MSUs).
Layon nitong mabigyan ng ligtas at matibay na masisilungan ang mga apektadong residente habang unti-unting ibinabalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Bilang pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan na rin ng ahensya katuwang ang National Housing Authority (NHA) ang posibleng pagpapatayo ng tenement housing.
Kasabay nito, tututukan din ang pagresolba sa mga isyu sa lupa sa Barangay Sta. Elena upang mapabilis ang mga proyektong pabahay.
Tiniyak naman ni Mayor Siao na patuloy na tututukan ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan at mabilis na pagbangon ng mga Iliganon mula sa kalamidad.
















