KALIBO, Aklan—Tumaas ng halos 8% ang tourist arrival sa isla ng Boracay habang papalapit ang summer season kung saan, mapansin ang pagsidatingan ng mga turista na gustong masilayan ang mala-paraisong ganda ng isla.
Sa katunayan ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, nakatala ang kanilang tanggapan ng kabuuang 188,479 tourist nitong buwan ng Pebrero.
Sa nasabing bilang 133,576 ang domestic tourist; 3,539 ang overseas Filipinos at 51,364 naman ang foreign tourist.
Ang patuloy na pagtangkilik ng mga local at foreign tourist sa tanyag na isla ay dahil sa kaliwa’t kanang promotion ng Boracay sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng lokal na pamahalaan, mga travel agencies, establishment owners, stakeholders at iba pa sa mga ginaganap na expo.
Dagdag pa ni Licerio, ang pakikibahagi aniya ng tourism office staff sa mga expo ay makahikayat pa ng mas maraming turista na bibisita sa isla ng Boracay.
Gayunpaman, aminado ang tourism office na hindi pa lubusang nakabalik ang sektor ng turismo sa isla ngunit pinagsisikapan nila ito sa kasalukuyan upang mas pang mapalakas ang paghatak ng mga turista lalo na ngayon summer season.
















