Magdaraos ang Department of Tourism (DOT) para mga fans ng SB19 ng isang libreng watch party para sa makasaysayang pagtatanghal ng P-pop group sa Lollapalooza Chicago.
Gaganapin ang watch party sa Hulyo 31 sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila. Libre ang pagpasok dito, ngunit kinakailangan ang online registration para makapasok.
Bubuksan ang venue ala-1:30 ng madaling araw, kung saan magkakaroon ng listening party at pre-show program bago ang livestream ng performance na magsisimula ng alas-4 ng umaga.
Magugunitang kamakailan lamang ay itinalaga ang SB19 bilang bagong Tourism Ambassadors ng DOT.
Isa rin ang SB19 na nakagawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino group na magtatanghal sa prestihiyosong Lollapalooza music festival sa Chicago.
Bukod dito, nakatakda ring magtanghal ang SB19 sa Grammy Museum Global Spin Live, at sila rin ang maghahagis ng ceremonial first pitch sa laban ng Chicago White Sox at New York Yankees.
Samantala, para sa mga hindi makakadalo sa watch party, mapapanood din ang Lollapalooza performance ng SB19 sa streaming platform.
Matapos ang kanilang US activities, tutungo naman ang grupo sa Japan para sa Summer Sonic Festival sa Agosto at sa KPOPWORLD Festival sa Texas sa Oktubre.















