Magde-debut sa Japanese television ang P-pop group na SB19 bago ang kanilang inaabangang performance sa Summer Sonic ngayong weekend.
Inanunsyo ng morning show na “DayDay.” na magiging live guest ang SB19 sa kanilang programa ngayong Huwebes, alas-10:25 ng umaga (Japanese Standard Time).
Ipe-perform ng grupo ang kanilang latest single na “Lawless.”
Ayon kay Justin, excited ang grupo dahil ito ang kanilang unang pagkakataong mag-perform sa isang Japanese television show.
Samantala, sinabi naman ni Josh na hindi na sila makapaghintay na makita ang kanilang Japanese fans.
Nasa Japan na ngayon ang SB19 matapos ang kanilang mga aktibidad sa Estados Unidos, kabilang ang kanilang makasaysayang performance sa Lollapalooza.
Sa Biyernes, Agosto 14, magpe-perform ang grupo sa Massive Stage sa Osaka para sa kanilang Summer Sonic debut. Sa Sabado, Agosto 15 naman, tutungo sila sa Pacific Stage sa Tokyo.
Pagkatapos ng festival, magkakaroon ang SB19 ng “I WaS There Thanksgiving Fan Meet” sa Yokohama sa Agosto 18.
















