Hindi lang performance ang naging highlight ng SB19 sa kanilang performance sa Lollapalooza sa Chicago, Illinois, kundi naka-bonding rin ang ilang international artists.
Sa Instagram, ibinahagi ng P-pop Kings ang mga larawan nina Josh at Stell kasama ang ilang kapwa performers sa isa sa mga pinakakilalang music festival sa mundo.
Kabilang sa mga artist na nakasama nila sina Sombr, Sienna Spiro, Chase Infiniti, at Lyn Lapid.
Naging makasaysayan rin ang paglahok ng SB19 sa Lollapalooza dahil sila ang kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa naturang festival.
Ipinakilala rin ng grupo sa kanilang performance ang kanilang pinakabagong single na “Lawless.”
Bago ang kanilang Lollapalooza performance, dumalo rin ang SB19 sa Signals World Tour ng kapwa P-pop group na BINI sa California.
Hindi pa rito nagtatapos ang international activities ng grupo.
Nakatakdang magtungo ang SB19 sa Japan sa Agosto 14 at 15 para sa Summer Sonic, bago sila bumalik sa Estados Unidos sa Oktubre para sa KPOPWORLD Festival sa Texas.















