Ibinahagi ng Department of Tourism (DOT) na aktibo na silang nakikipag-usap sa Nation’s Girl Group, BINI, upang maging tourism ambassadors ng Pilipinas.
Sa panayam ng media kay DOT Sec. Dita Angara-Mathay nitong Martes, Mayo 26, ibinahagi niyang parte ng pakikipag-usap nila sa BINI ang pagkilala sa pagrepresenta ng girl group sa global stage noong Abril.
““We’re going to talk to them, but they haven’t replied yet because they’re traveling. But we are, you know, we’re so proud that they unfurled the flag in a stage called Coachella. We congratulated them,” ani Mathay.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang BINI sa tawag ng DOT dahil sa kanilang abalang paghahanda sa SIGNALS World Tour 2026.
Matatandaang pinarangalan na rin ng DOT ang BINI sa pagiging first Filipino act na nakapagtanghal sa Coachella.
Kasama rin sa naging pagkilala ay si Sophia Laforteza, na Pinay member ng international girl group na KATSEYE.
Nauna na ring inaprubahan ng Kamara ang House Resolution No. 93 na kumikilala sa BINI bilang “Nation’s Girl Group,” habang ang Senate of the Philippines ay nagkakaisang nagpasa rin ng kahalintulad na resolusyon bilang pagbati sa grupo.
Binubuo ng mga miyembrong sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena, itinanghal ng grupo ang ilan sa kanilang mga hit songs tulad ng “Pantropiko” at “Salamin, Salamin” sa isa sa pinakamalaking music festival sa mundo.
















