-- Advertisements --

Pinabilib ng BINI ang Japanese audience matapos ang kanilang makasaysayang debut sa Summer Sonic 2026 sa Osaka, Japan nitong Biyernes, Agosto 14.

Umakyat sa Mountain Stage ang walong miyembro ng grupo—sina Aiah, Mikha, Sheena, Maloi, Stacey, Jhoanna, Colet at Gwen—na kapansin-pansin sa kanilang makukulay at makikinang na outfits.

Binuksan ng BINI ang kanilang performance sa “Cherry on Top”, sinundan ng “Zero Pressure,” “Out of My Head,” “Blush,” “Step Back” at “Sugar Rush.”

Itinanghal din nila ang “Born to Win” at ang Filipino-Japanese version ng “Salamin, Salamin,” bago nagtapos sa kanilang hit song na “Pantropiko.”

Ibinahagi rin ng grupo sa kanilang Facebook page ang video ng kanilang performance ng “Born to Win,” habang nagkalat naman sa social media ang mga video ng kanilang performance na ibinahagi ng kanilang mga tagahanga o Blooms.

Muling magtatanghal ang BINI sa Tokyo leg ng Summer Sonic sa Agosto 16.

Samantala, kabilang din sa lineup ang P-pop boy group na SB19, na nakatakdang mag-perform sa festival sa Agosto 15 at 16.