Nagpakitang-gilas ang BINI nang makisabay sila sa pag-kanta ng “A Parallel World” kasama ang Filipino-American singer na si AJ Rafael at ang kanyang asawa na si Alyssa sa isang press event ng pelikulang Forgotten Island sa California.
Sa video na ibinahagi ni AJ Rafael sa Instagram, makikitang tumutugtog siya ng gitara habang kinakanta nila ang awitin. Maya-maya, sumali ang walong miyembro ng BINI sa pag-awit ng chorus, na ikinatuwa ng maraming fans.
Ayon kay AJ Rafael, ipinagmamalaki niyang makita ang maraming Pilipinong bahagi ng isang malaking proyekto ng DreamWorks.
Nagkomento rin ang lead star ng pelikula na si Liza Soberano, na naturawin sa performance ng Filipino artist at shinare ang video sa kanyang social media.
Matatandaang unang ipinasilip ng BINI ang kantang “A Parallel World” sa kanilang “Signals” concert noong Hunyo.
Bukod sa BINI, tampok din sa soundtrack ng Forgotten Island sina Liza Soberano, Lea Salonga, at H.E.R., na kabilang din sa voice cast ng pelikula.
Kasama rin sa soundtrack ang bagong bersyon ng “Never Tear Us Apart” na inawit ni Sophia Laforteza ng Katseye, ang rendition ng SB19 sa kantang “Mga Kababayan” ni Francis Magalona, at ang awiting “Salbahe Ako” ni Ruby Ibarra tampok si Carl Angelo.
Ang Forgotten Island ay kuwento ng dalawang matalik na magkaibigang sina Raissa at Jo, na binibigyang-boses nina Liza Soberano at H.E.R., kasama ang iba pang kilalang artista tulad nina Lea Salonga, Dolly de Leon, Manny Jacinto, Jo Koy, Jenny Slate, Dave, at Ronny Chieng.
















