-- Advertisements --

Ibinunyag ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na hindi na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice ang karamihan sa mga pamilya ng ‘missing sabungeros’.

Napansin aniya nila na unti-unting nawawala na ang mga ‘complainants’ sa kaso at tuluyang hindi na nakikipag-usap sa kagawaran.

Ayon kay Prosecutor General Fadullon, ang kasong isinampa sa korte ng Sta. Cruz, Laguna, tatlong ‘complainants’ ang naipresenta ngunit dalawa sa kanila ay naputol na ang komunikasyon o hindi na makontak.

Habang ang mga kaso naman sa korte ng Lipa City, Batangas at San Pablo, Laguna ay hindi na rin umano nakikipag-ugnayan ang mga pamilya ng biktima.

Ito’y sa kabila ng kanilang subukan pa rin makontak ang mga ito ngunit maging sa pribadong lawyer ng complainants ay hindi na sila nakikipag-ugnayan.

Gayunpaman, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, mayroon pa rin natitirang isang pamilya ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice.

Ito’y si Maria Carmelita Lasco, ina ni Missing Sabungero Ricardo ‘Jon’ Lasco, nag-iisang nananatili matapos maipresenta ng kagawaran kaugnay sa inihain kaso.

Binigyang diin ng opisyal na magpapatuloy pa rin ang kaso kahit pa wala na o hindi na nakikipag-ugnayan ang pamilya ng mga biktimang sabungeros.

Hindi aniya nakadepende sa presensya ng mga kaanak ang aspetong kriminal ng kaso sapagkat wala naman daw ang mga ito nang mawala ang ‘missing sabungeros’.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang mga kaso na inihain ng Department of Justice kontra mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.