Muling pinatunayan ng BINI ang kanilang tagumpay sa industriya ng musika matapos mag-uwi ng apat na parangal sa Jupiter Music Awards 2026.
Kinilala ang BINI bilang Female Group of the Year at Most Influential Southeast Asian Artiste – Female sa naturang awards show.
Hindi lang grupo ang pinarangalan, dahil nakuha rin ng kanilang extended play o EP na “Signals” ang Album of the Year award.
Samantala, ang kanilang kanta na “Blush,” na bahagi ng parehong album, ang itinanghal na Song of the Year.
Ibinahagi ng kanilang management ang pagbati sa grupo, sinabing ang talento, pagsisikap, at dedikasyon ng BINI ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa milyon-milyong tagahanga at tumutulong sa pagpapalawak ng musikang Pilipino sa buong mundo.
Binuo noong 2024, ang Jupiter Music Awards ay isang parangal na kumikilala sa mga sikat na music artists at kanilang mga obra sa rehiyon.
Matapos ang matagumpay na pagtatapos ng kanilang “Signals” tour sa Cebu, naghahanda naman ang BINI para sa North American leg ng kanilang concert tour na magsisimula sa Agosto.
















