KALIBO, Aklan — Nagpahayag ng “reservation” si Atty. Renee Co kahit isa siya sa mga bumoto pabor sa pag-apruba ng Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte sa House Committee on Justice.
Kabilang si Co sa 55 mambabatas na nagkaisang bumoto sa 55 to 0 para aprubahan ang committee report na naglalaman ng mga articles of impeachment, na magbibigay-daan sa pagtalakay nito sa plenaryo at posibleng paglilitis sa Senado.
Gayunman, nilinaw ni Co na may mga bahagi ng dokumento na kanyang kinuwestiyon, partikular ang pagsama sa kasong inciting to sedition bilang isa sa mga batayan ng impeachment.
Aniya, may mas malalim na dahilan kung bakit siya may reserbasyon.
Ang naturang probisyon ay maaaring gamitin laban sa mga kritiko at aktibista dahil malawak ang depinisyon nito sa batas.
Iminungkahi rin ni Co na sa halip na “inciting to sedition,” mas sapat na umano ang ibang alegasyon—tulad ng umano’y pagbabanta sa pangulo at sa seguridad ng publiko, bilang batayan ng kaso.
Sa kabila nito, sinuportahan pa rin niya ang kabuuang committee report, na batay sa mga natukoy na probable cause laban kay Duterte, kabilang ang mga alegasyon ng katiwalian, maling paggamit ng pondo, at iba pang mabibigat na paglabag.
Sa susunod na hakbang, kailangang aprubahan ng hindi bababa sa 1/3 ng mga miyembro ng Kamara ang Articles of Impeachment upang pormal itong maipasa sa Senado para sa paglilitis.
















