-- Advertisements --

Binibigyang pansin ng Bureau of Immigration (BI) ang mga pahayag na inilabas ni Vitaly Zdorovetskiy sa iba’t ibang online platforms.

Si Zdorovetskiy ay isang Russian vlogger na naglantad ng umano’y katiwalian sa loob ng BI matapos ang kanyang pansamantalang pagkakulong sa BI Warden Facility.

Ito ay nangyari habang ang kanyang kaso ng deportation ay kasalukuyang dinidinig at pinagdedesisyunan.

Bagama’t hindi pa lubusang beripikado at napapatunayan ang mga alegasyon ni Zdorovetskiy hinggil sa iligal na paggamit ng cellphone sa loob ng detention facility, at ang kanyang mga paratang tungkol sa umano’y katiwalian na nagaganap doon, sinabi ng BI na ang mga ito ay nagsisilbing sapat na batayan upang magsagawa ng isang masinsinang internal review.

Dagdag pa rito, gagamitin din ang mga alegasyon upang pagtibayin at palakasin ang mga umiiral na patakaran sa lahat ng detention facility na pinamamahalaan ng BI.

Kaugnay nito, nagsagawa na rin ang BI ng kagyat na inspeksyon sa iba’t ibang Warden Facility na matatagpuan sa mga lungsod ng Taguig at Muntinlupa.

Sa nasabing mga inspeksyon, nakumpiska ang iba’t ibang uri ng kontrabando, kabilang na ang pera, mga cellphone, iba’t ibang electronic devices, sigarilyo, mga patalim, at mga gamit na ginagamit sa pagsusugal.

Tiniyak naman ng BI ang mahigpit na pagpapatupad ng kanilang “no-contraband at no-unauthorized gadget policy” sa lahat ng detention facility sa buong bansa. (report by Bombo Jai)