Itinuturing ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na isang patunay na gumagana ang transparency initiative ng pamahalaan kasunod ng pagpapatawag ng Chinese Foreign Ministry kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz.
Ito ay may kaugnayan sa akusasyon ng China kay Tarriela na nagsasagawa umano ng “smear campaign” laban sa China kasunod ng paggamit ni Tarriela ng caricatures na naglalarawan kay Chinese President Xi Jinping sa isang presentation kaugnay sa mga aktibidad ng China sa pinagtatalunang karagatan. Ito din ang dahilan kayat naghain ang China ng diplomatic protest laban kay Tarriela.
Subalit, iginiit ng PCG official na ang transparency sa WPS ay hindi probokasyon kundi ito ay pagbubunyag lamang sa kung sino ang “bully aggressor” at ang tunay na biktima
Inihayag din ni Tarriela na mas ikinakatakot ng China ang isang mulat na mundo kesa sa international law.
Aniya, inilunsad ang naturang inisyatibo ng PCG para isapubliko ang mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Inirekomenda naman ng PCG official ang solusyon para sa tumitinding tensiyon at sinabing kung nais ng China na itama ang negatibong impact, dapat na simulan ito sa pamamagitan ng pagrespeto sa 2016 arbitral award.
Gayundin, sinabi ni Tarriela na dapat i-withdraw ng China ang iligal na inokupa nitong isla at itigil ang panghaharass sa mga mangingisdang Pilipino.
















