-- Advertisements --

Pinalakas pa ng Pilipinas at Amerika ang kanilang alyansa para maiwasan ang maritime conflict sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Embahada ng Estados Unidos.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na agresyon ng mga barko ng China sa pinagtatalunang karagatan.

Sa isang statement, sinabi ng US Embassy na committed silang ipagpatuloy ang pagbabantay sa Indo-Pacific para mapigilan ang conflict at para makabuo ng malakas na mga hakbang para mapanatiling bukas ang sea lanes at hindi makubkob ng ibang bansa.

Binigyang diin din ng embahada ang kolektibong depensa na mahalaga sa pagpalag at pagpigil sa agresyon saan man sa First Island Chain, na nagsisilbing pangunahing maritime barrier para sa US at mga kaalyado nito kabilang ang Pilipinas para mapigilan ang naval expansion ng China sa Pasipiko.

Pinagtibay din ng mga opisyal ng Pilipinas at Amerika ang commitment ng dalawang bansa sa 1951 Mutual Defense Treaty.

Inihayag din ng embahada ang pagkondena ng Amerika sa iligal, mapilit, agresibo at mapanlinlang na mga aktibidad ng China sa disputed waters.

Nangako rin ang mga opisyal ng pagpapahusay pa ng kapasidad ng Pilipinas sa pagsubaybay at pagtugon sa mga hamon sa karagatan at mga iligal na aktibidad gaya ng mga iligal na pangingisda gayundin ang pagpapataas pa ng missile at unmanned systems ng US sa Pilipinas.

Bukod dito, gagamitin ng Pilipinas at Amerika ang foreign military financing para sa modernisasyon ng AFP at PCG at papahusayin pa ang kolektibong depensa at deterrence.

Ipagpapatuloy din ng Amerika ang pagbibigay ng relief commodities sa civilian disaster response authorities ng Pilipinas sa mga pangunahing Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at iba pa.