Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na higpitan ang pagbabantay laban sa Nipah virus at iba pang nakahahawang sakit upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy na minomonitor ng Bureau of Quarantine ang mga ulat ng muling pagkaka-detect ng Nipah virus sa ibang bansa bilang pagsunod sa direktiba ng Pangulo na panatilihing ligtas ang mga Pilipino.
Ipinahayag ng DOH na ang kanilang mga health protocols ay nakaayon sa pinakabagong abiso ng World Health Organization (WHO) at nananatiling alerto sa mga border screening, kabilang ang thermal scanning, trained observation, at masusing pagsusuri ng online health declarations.
Sa ngayon, pinalakas pa ng DOH ang kanilang information campaign upang ipaalam sa publiko ang mga sintomas ng Nipah virus gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, at hirap sa paghinga.
Ayon sa mga health officials, ang virus ay maaaring maipasa mula sa hayop tulad ng paniki at baboy, pati na rin sa kontaminadong prutas, at maaari ring maipasa mula tao patungo sa tao.
















