-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief General Melencio Nartatez Jr. ang kumakalat online na pekeng medical test result ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nakasaad umano sa dokumento na mayroong “severe sigmoid diverticulitis” ang Pangulo, na lumala umano dahil sa paggamit ng droga at kailangang sumailalim sa urgent surgical consultation.

Sa isang pahayag ngayong Huwebes, Enero 29, sinabi ng PNP chief na inatasan na niya ang PNP Anti-Cybercrime Group para tumulong sa pagsasagawa ng imbestigasiyon upang matukoy ang responsable sa pagpapakalat ng pekeng medical result.

Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, ito ay paglapastangan, insensitibo at matinding paglabag sa batas.

Aniya, malinaw na layunin nitong lituhin ang publiko. Bagamat iginagalang umano nila ang kalayaan sa pagpapahayag ng bawat Pilipino at bawat mamamayan, nakasisiguro silang ang ganitong uri ng aksiyon ay hindi parte ng naturang kalayaan.

Nauna na ngang pinabulaanan bilang “false” o peke ang naturang medical result ng Presidential Communications Office (PCO) at ng St. Luke’s Medical Center, na ginamit ang logo sa naturang dokumento.