-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nananatiling sapat ang suplay ng pagkain, petrolyo, at fertilizer sa bansa sa kabila ng umiiral na tensiyon sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Pangulo, nananatili ring normal ang presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo kumpara sa mga nakaraang linggo. 

Aniya, patuloy ang pakikipagtulungan ng mga vendor upang mapanatili ang presyo, kaya hindi na kailangan na mag hoard at mag panic ang publiko.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ang pangunahing hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga Pilipino, kabilang ang mga drivers ay panatilihing matatag ang presyo at suplay ng langis.

Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, may kapangyarihan ang gobyerno na galawin ang excise tax sa fuel kung kinakailangan upang mapagaan ang gastos ng publiko, ngunit nakadepende ito sa galaw ng pandaigdigang merkado.

Layunin ng pamahalaan na mapanatiling stable ang sitwasyon upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino.