Pinagtibay ng House of Representatives ang bersyon ng Senado ng panukalang batas na magpapahintulot sa pansamantalang pagbawas o pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at iba pang batayang bilihin sa mga mamamayan.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, ang panukala ay safety valve sa oras ng krisis tulad ng kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa ilalim ng batas, maaaring tanggalin ng Presidente hanggang P10 kada litro sa gasolina at P6 sa diesel sa pamamagitan ng pansamantalang suspension o reduction ng excise tax, sa ilalim ng mga partikular na kondisyon.
Ang panukala ay nagtatakda rin ng dalawang trigger: kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa nakaraang buwan, o kapag idineklara ng Presidente ang pambansang emergency o kalamidad na nagdudulot ng matinding pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang bisa ng suspension o reduction ay hanggang anim na buwan maliban kung palawigin ng Kongreso.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang nasabing panukala ay tugon sa nagpapatuloy na krisis sa Middle East.
“This measure is in direct response to the ongoing crisis in the Middle East that has a direct effect on fuel prices and the cost of basic goods in the Philippines. Lalo na ngayon, lagpas P90 na ang diesel. Kailangan na nating isabatas ito para direktang makaginhawa sa ating mga kababayan,” pahayag ni Speaker Bojie Dy III.
















