Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na papalitan si Senator Imee Marcos bilang chairperson ng Senate Committee on Foreign Affairs.
Ayon kay Lacson, maaaring naipaalam na ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabago sa chairmanship sa komite, na posibleng mangyayari sa susunod na linggo.
Ipinaliwanag ni Lacson na tulad ng Blue Ribbon Committee at iba pa, ang Senate Foreign Relations Committee ay isang major at significant committee na karaniwang nakareserba para sa Majority bloc. Si Sen. Marcos ay miyembro ng Minority bloc.
Lumilitaw naman ang pangalan ni Senator Erwin Tulfo na hahalili kay Marcos bilang chairman ng foreign relations committee.
Pumayag naman si Senator Kiko Pangilinan na palitan siya ni Sen. Marcos bilang chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes bilang “gesture of goodwill.”
Samantala, nilinaw naman ni Sen. Lacson na wala siyang kinalaman sa pagpapalit ng chairmanship sa partikular na komite sa Senado. Una na kasing nagkaroon ng hidwaan sina Lacson at Marcos matapos igiit ng huli na pinipigilan umano ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Lacson ang minority senators na iugnay si dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y anomalya sa flood control funds.
Kamakailan, umani rin ng batikos ang ilang Senador kasama si Sen. Imee matapos tumangging lagdaan ang isang resolusyon ng Senado na kumokondena sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Binatikos ang Senadora dahil sa kanyang umano’y “pro-China” na paninindigan at sa paghahain ng resolusyon na nagsusulong ng diplomasya sa halip na matapang na pagbatikos sa China.
















