Tiniyak ng Embahada ng Pilipinas sa Indonesia na walang Pinoy ang nadamay o naitalang sugatan sa malagim na landslide sa Bandung West Java kamakailan na kumitil ng maraming buhay.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Indonesian National Search and Rescue Agency , pumalo na sa walo ang naitalang nasawi sa naturang insidente.
Aabot naman sa mahigit 82 indibidwal ang naiulat na nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Apektado rin ng insidente ang mahigit isang daang pamilya na kasalukuyan ngayong nasa mga evacuation centers sa naturang bansa.
Kaugnay nito, siniguro ng PH Embassy sa Indonesia na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Filipino communities sa Indonesia.
Layon ng hakbang na ito na matukoy kung mayroon bang mga Pilipino ang nawawala o nadamay sa insidente.
Patuloy rin ang monitoring ng embahada sa isinasagawang operasyon ng mga lokal na awtoridad doon.










