Patuloy ang paghahatid ng Department of Social Welfare and Development ng tulong sa mga pamilya at residenteng apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Sa datos ng ahensya, nakapaghatid ito ng nasa 11,207 family food packs (FFPs), 1,003 ready-to-eat food (RTEF) boxes, at 2,467 non-food items sa mga pamilyang piniling lumikas sa mga itinalagang evacuation area sa lugar.
Pumalo na rin sa mahigit P14-M na halaga ng tulong ang naihatid ng ahensya sa mga naapektuhang lugar.
Sa patuloy na pagbabantay ng ahensya partikular ng DSWD Field Office 5 – Bicol Region , sumampa na sa mahigit apat na libong residente ang namamalagi ngayon sa mga evacuation centers.
Sa kabila ng patuloy ng pagdami ng bilang ng mga pamilyang apektado ng mga ipinamamalas na aktibidad ng Bulkang Mayon muling tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakahanda ito sa pagbibigay ng tulong sakaling lumala ang sitwasyon.
Ito ay batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking nasa maayos na kalagayan ang mga residenteng lumikas.















