Inaprubahan ng House Ways and Means Committee ang panukalang batas na naglalayong palawakin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang mahikayat ang mga benepisyaryo na makapagpatuloy sa kolehiyo o kumuha ng technical-vocational courses, kabilang na sa mga pribadong paaralan.
Ayon kay Committee Chairman at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo, bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang social protection at mapaunlad ang kakayahan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon.
Sa ilalim ng panukala, magtatatag ng 4Ps Support to Tertiary Education and Employment Program na magbibigay ng oportunidad sa mga anak ng 4Ps beneficiaries na makapag-aral sa kolehiyo o technical-vocational institutions.
Sinabi naman ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na layunin ng panukala na higit pang mapalakas ang suporta sa mahihirap na pamilya, kabilang ang pagtulong sa matrikula, bayarin sa paaralan, at iba pang gastusin sa edukasyon.










