Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Enero ng kasalukuyang taon.
Ito ay base sa resulta ng panibagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes, Marso 13, iniulat ni Deputy National Statistician at PSA ASec. Divina Gracia del Prado na ang mga indibidwal na walang trabaho o negosyo sa unang buwan ng taon ay pumalo sa 2.96 million mula sa 2.26 million noong Disyembre 2025 at mas mataas kumpara sa 2.17 million noong Enero 2025.
Ito ay may katumbas na unemployment rate na 5.8%, mas mataas kumpara sa 4.4% rate na naitala noong Diyembre 2025 at 4.3% noong Enero 2026.
Ipinaliwanag ni ASec. del Prado, na marami sa mga unemployed ang kasalukuyan pang naghahanap ng trabaho gayundin mayroong mga nag-aantay ng resulta mula sa kanilang inaplayang trabaho habang may iba naman na tinatawag na “discourage workers” o naniniwalang walang available na trabaho para sa kanila.
Samantala, pagdating naman sa mga underemployment o mga manggagawang may trabaho subalit naghahanap ng ekstrang trabaho, tumaas din ito sa 13.2% noong Enero mula sa 8% noong Disyembre 2025.
Nangangahulugan na mayroong 6.35 million ang underemployed noong Enero 2026.
Sa employment rate naman, bumaba ito sa 94.2%, na katumbas ng 47.94 milyong Pilipino na mayroong trabaho, mula sa 95.6% noong Disyembre 2025 na may katumbas na 49.43 milyong Pilipinong employed.














