Bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 2.41 million noong Abril 2026 mula sa 2.58 milyong unemployed noong Marso 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay taliwas naman sa takot na magkakaroon ng malawakang tanggalan ng mga manggagawa dahil sa krisis sa enerhiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa nasabing period.
Ayon kay PSA USec. Claire Dennis Mapa, bumaba ang jobless rate sa 4.7% noong Abril, mula sa 5% na naitala noong Marso.
Ito naman ang unang pagkakataon ngayong taon na ang unemployment rate ay mababa sa 5-percent mark.
Ipinaliwanag naman ng PSA chief ang pagtaas ng year-on-year unemployment rate dahil sa pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa mga edad 25-34 anyos, at 15-24 anyos na karamihan ay mga kalalakihan. May ilan aniya na bigong makahanap ng trabaho at nag-aantay sa mga inaplayang trabaho.
Samantala, ang naitalang underemployment naman noong Abril o ang bilang ng mga Pilipinong naghahanap ng ekstrang trabaho o mas mahabang working hours para mapataas ang kanilang kita, ay sumipa sa 7.41 million o 15.2%.
Ito na ang pinakamataas na underemployment rate na naitala simula noong Marso 2022, na nasa 15.8%.
Ang bilang naman ng mga Pilipinong may trabaho ay bahagyang bumaba sa 48.89 million noong Abril mula sa 49.07 million noong Marso.














