-- Advertisements --

Isang barkong pandigma ng Russia ang lumubog matapos umanong atakehin ng mga Ukrainian naval drone sa daungan ng Benghazi, Libya, ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.


Ayon kay Zelensky, pitong naval drone ang ipinakalat upang targetin ang Russian corvette na Merkury, isa sa mga bagong barkong pandigma ng Russia. Idinagdag din niyang nawasak sa operasyon ang isang Ka-27 combat helicopter.


Tinamaan din umano ng Ukraine ang MV Angara, isang Russian container ship na sinasabing ginagamit sa transportasyon ng mga armas. Gayunman, hindi pa malinaw kung ito rin ang barkong iniulat ng health ministry ng Libya na may mga sugatan matapos atakihin sa karagatan malapit sa daungan.


Naganap ang pagsabog sa barkong pandigma habang nakadaong ito sa Benghazi naval base upang magpakarga ng gasolina at kumuha ng suplay bago sana bumalik sa Russia.


Samantala, nagbabala ang Kremlin sa posibleng paglala ng tensyon sa rehiyon ngunit tumangging magbigay ng direktang komento tungkol sa pag-atake.


Pinuri naman ni Zelensky ang operasyon bilang isang matagumpay na hakbang bilang tugon sa patuloy na digmaan ng Russia laban sa Ukraine.