Nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Bulkang Mayon bunsod ng naitalang daan-daang volcanic earthquakes at hindi mapigil na pagdaloy ng lava, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa inilabas na abiso ng ahensya ngayong araw, Marso 15, nakapagtala ang kanilang mga instrumento ng 279 na volcanic earthquakes at 324 na rockfall events sa nakalipas na 24 oras.
Namonitor din ang tatlong pyroclastic density current o PDC signals na kilala rin bilang uson.
Ayon sa PHIVOLCS, tuloy-tuloy ang pag-agos ng lava sa mga gully ng Basud na umaabot na sa 3.8 kilometro, Bonga (3.2 km), at Mi-isi (1.3 km).
Nakitaan din ng panaka-naka at mahinang Strombolian activity ang bulkan, habang kapansin-pansin ang crater glow o banaag sa tuktok nito.
Batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya kahapon, nakapagtala ang bulkan ng 2,430 tonelada kada araw na sulfur dioxide flux.
Bagama’t natatakpan ng ulap ang Mayon sa kasalukuyan, kinumpirma ng mga eksperto ang patuloy na pamamaga o inflation nito, indikasyon ng patuloy na aktibidad sa ilalim ng lupa.
Dahil sa banta ng posibleng pagputok, muling nagpaalala ang mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone.
Bawal din ang pagpapalipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa bunganga ng bulkan.
Pinag-iingat ang publiko laban sa posibleng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava, at pag-agos ng lahar, lalo na kung magkakaroon ng malakas na pag-ulan sa mga apektadong lugar.















