Uumpisahan na bukas, Marso 17, ng Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi ng ₱5,000 tulong pinansyal para sa nasa 139,000 na mga tricycle driver sa buong Metro Manila.
Ang nasabing ayuda, na pinopondohan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng ahensya, ay bilang direktang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na pinalala ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, isasagawa ang pamamahagi sa 30 itinalagang payout sites sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).
Inaasahang matatapos ang pamimigay ng ayuda sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Upang mapanatili ang kaayusan, nagpaalala ang kalihim sa mga benepisyaryo na mahigpit na sundin ang kanilang itinakdang oras at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.
Pinaalalahanan din ang mga kukuha ng ayuda na magdala ng valid na driver’s license at isang photocopy nito.
Kinakailangang tumugma ang pangalan sa lisensya sa opisyal na listahan ng mga benepisyaryo upang maibigay ang pera.
Matatandaang naglaan ang DSWD ng ₱30 bilyon na pondo upang tulungan ang mga Pilipinong apektado ng serye ng mga pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Nakatakdang palawigin ang programa sa buong bansa upang masakop ang mas maraming tricycle driver sa iba’t ibang probinsya.
















