Naitala ang forest fires sa mga dalisdis ng Bulkang Kanlaon matapos ang isang moderately explosive eruption na naganap bandang alas-6:07 ng gabi noong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Dahil sa pagsabog, nakaranas ng pag-ulan ng ashfall at matinding amoy ng sulfur ang 54 barangay sa 10 lokal na pamahalaan sa Negros Occidental kabilang ang Binalbagan, La Castellana, Moises Padilla, Hinigaran, Isabela, San Carlos, Himamaylan, Kabankalan, Pontevedra at Ilog.
Ayon kay La Castellana Mayor Añejo Nicor, halos 60% ng kanilang bayan, kabilang ang town proper, ay apektado ng ashfall.
Naiulat din ang ashfall sa Canlaon City sa Negros Oriental.
Bilang pag-iingat, sinuspinde muna ang klase sa lahat ng antas sa Himamaylan City, Moises Padilla, La Castellana at Binalbagan nitong Lunes, Marso 16, 2026.
Ayon sa Phivolcs, ang pagsabog ay nagbuga ng 5-kilometrong taas ng ash plume na tinangay ng hangin patungong timog-silangan at hilagang-silangan.
Ito na ang ikatlong pagputok ng Bulkang Kanlaon ngayong taon, matapos ang mga naunang aktibidad noong Pebrero 19 at Pebrero 26. Naglabas din ito ng karagdagang abo bandang alas-10:31 ng gabi noong Linggo.
Nanatiling nasa Alert Level 2 ang status ng bulkan at ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 4-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ).
Samantala, nanawagan si Canlaon City Mayor Jose “Batchuk” Cardenas sa mga residente na manatiling kalmado ngunit maging alerto. Sinabi niyang nakahanda ang mga rescue vehicle at emergency response teams ng lungsod.
Pinayuhan din ang mga residente na magsuot ng face mask o takpan ang ilong at bibig gamit ang basang tela upang maprotektahan laban sa ashfall.
Sa Moises Padilla naman, pansamantalang itinigil ang street dance rehearsals sa Barangay 4 matapos magbabala si Mayor Ella Garcia-Yulo tungkol sa panganib ng ashfall sa kalusugan, lalo na sa paghinga.
















