Tiniyak ng Malacañang ang katatagan o stability ng pamahalaan sa gitna ng mga kumakalat na isyu kaugnay sa kalusugan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga usapin ng impeachment.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nananatiling aktibo sa pagtatrabaho ang Pangulo kahit pinayuhan ng mga doktor na maghinay-hinay.
Sinabi ni Castro na hindi nagbabakasyon ang Pangulo at patuloy itong nagbabasa ng mga report at mahahalagang dokumento upang manatiling updated sa mga usapin ng pamahalaan.
Nagpasaring din si Castro na hindi katulad ng iba si Pangulong Marcos na puro bakasyon ang nasa isip.
Giit ni Castro, kahit nangangailangan ng pahinga ang Pangulo, tuloy-tuloy pa rin ang trabaho nito, na patunay ng kanyang kasipagan at dedikasyon sa tungkulin.
Hinimok din ng Malacañang ang publiko na magtiwala sa Pangulo, iginiit na ang patuloy nitong pamumuno at pagtatrabaho ay mahalaga upang mapanatili ang katatagan ng pamahalaan at magkaroon ng positibong epekto sa ekonomiya ng bansa.
“ Nakita ninyo naman po ang Pangulo, kahit po sinasabi ng doktor na kailangan niyang maghinay-hinay, patuloy po ang Pangulo sa pagtatrabaho. Hindi po nagbabakasyon ang Pangulo; kahit po kailangan niyang mamahinga, nandoon pa rin po nagbabasa ng mga briefer, ng mga briefs na dapat niyang alamin para po siya ay updated. So, nakita po natin kung gaano kasipag ang Pangulo. Hindi po sanay ang mga kababayan natin na nakikita ang Pangulo na nagri-relax, hindi tulad noong iba.
So, tandaan po natin, with that na nakikita po natin na sunud-sunod pa rin po ang pagtatrabaho ng Pangulo kahit may iniinda noon. So, magtiwala lamang po ang taumbayan para mas maging maganda po ang impact nito sa ating ekonomiya,” pahayag ni USec. Claire Castro.
















