Pormal na inirefer ng House of Representatives nitong Lunes ng gabi sa Committee on Justice ang dalawang beripikadong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., matapos maisama sa Additional Reference of Business ng plenaryo.
Pinangunahan ni Deputy Speaker Yevgeny Vicente “Bambi” Emano ang sesyon nang isagawa ang referral.
Ang unang reklamo, na inihain noong Enero 19, 2026, ay mula kay Atty. Andre R. De Jesus at inendorso ni Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Ang ikalawang reklamo, na inihain noong Enero 26, 2026, ay mula sa mga aktibista at pribadong indibidwal na pinamumunuan nina Liza Maza, Teodoro Casiño, Renato Reyes Jr., Atty. Neri Colmenares, at Ronaldo “Ka Jerome” Adonis, at inendorso ng ACT Teachers, Gabriela, at Kabataan party-list representatives.
Matapos basahin ang mga titulo sa plenaryo, opisyal na inirefer ang mga reklamo sa Committee on Justice, na siyang susuri sa sapat na anyo at nilalaman alinsunod sa Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara.
Binigyang-diin ng mga lider ng Kamara na ang referral ay hindi nangangahulugang may pasya na sa merito ng mga reklamo, kundi simula pa lamang ng proseso ng pagsusuri ayon sa batas.
















