Patuloy ang search and rescue operations na isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga biktima ng trahedya ng paglubog ng motorbanca na MBCA Amejara at ng barkong MV Devon Bay.
Hindi tumitigil ang mga tauhan ng PCG sa paghahanap at pagsagip sa mga posibleng nakaligtas sa dalawang insidente.
Ayon sa pahayag ni PCG spokesperson Captain Noemi Cayabyab, kumpirmadong limang bangkay na ang narekober mula sa sakuna ng MBCA Amejara.
Ang mga nasawing biktima ay dinala na sa Davao City upang maisagawa ang proseso ng identification at matukoy ang kanilang pagkakakilanlan ng kanilang mga kaanak.
Sa kabuuang 16 na sakay ng nasabing bangka, isa lamang ang naitalang nailigtas, habang sampu pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Upang mapabilis ang paghahanap, isinasagawa ang aerial survey sa lugar ng insidente.
Nakikipagtulungan din ang PCG sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga volunteer groups, kabilang na ang Philippine Navy, Office of Civil Defense (OCD), mga lokal na pamahalaan (LGU), Philippine National Police (PNP), at maging ang mga volunteer fisherfolk na malapit sa lugar.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ang mga bangkay sa layong 65 hanggang 68 nautical miles malapit sa Balut Island. Patuloy ang pagsisikap ng PCG na mahanap ang mga nawawalang indibidwal sa lalong madaling panahon.










