Naantala ang naka-schedule na laro ng Golden State Warriors at Minnesota Timberwolves sa Minneapolis matapos ang isang insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng mga federal agents, na ikinamatay ng isang 37-anyos na lalaki.
Ipinagpaliban ang laro upang unahin ang seguridad at kaligtasan ng komunidad sa Minneapolis ayon sa NBA.
Ang insidente ay ikatlong pamamaril ngayong buwan na kinasasangkutan ng mga federal officer, kung saan ang biktimang si Alex Pretti na isang ICU nurse ay nabaril ng isang Border Patrol agent sa silangang bahagi ng lungsod, mga dalawang milya lamang ang layo mula sa Target Center kung saan dapat ginanap ang laban.
Dahil dito, hindi itinuloy ang laro at inilipat sa Linggo (January 25) kasama na rin ang isa pang naka-schedule na pagkikita ng dalawang koponan sa Lunes.
Samantala, naapektuhan din ang iba pang mga aktibidad sa lugar dahil sa insidente at nagkaroon ng malalaking protesta sa sentro ng lungsod bilang protesta sa operasyon ng federal immigration enforcement sa pagtugis ng mga imigrante, sa ilalim ng administrasyong Trump.
















