-- Advertisements --

Nanawagan ng dayalogo at pagpipigil ang bagong Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Jing Quan, at iginiit na hindi dapat ang sigalot sa pinagtatalunang karagatan ang magdikta sa kabuuang relasyon ng China at Pilipinas.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Jing na layunin niyang patatagin ang ugnayan ng dalawang bansa at pamahalaan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap. Aniya, may kakayahan at karunungan ang magkabilang panig na resolbahin o pamahalaan ang tensyon, tulad ng nagawa ng China sa iba nitong kapitbahay o karatig bansa.

Ibinunyag din niya na may inisyal ng pagkakasundo ang mga diplomat ng dalawang bansa para sa susunod na yugto ng dayalogo, at umaasa siyang mapapabilis ang negosasyon sa Code of Conduct sa disputed water ngayong taon habang ang Pilipinas ang umuupong ASEAN Chair.

Binigyang-diin ni Jing na ang isyu sa dagat ay isang aspeto lamang ng mas malawak na relasyon, kabilang ang kalakalan, imprastraktura, at enerhiya. Aniya, nananatiling pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang China at bukás ito sa mas maraming produktong Pilipino.

Dagdag pa ng ambassador, hindi kailangang pumili ang Pilipinas sa pagitan ng China at Estados Unidos, dahil maaari itong magkaroon ng maayos na ugnayan sa parehong bansa para sa pangmatagalang interes ng sambayanan.