LEGAZPI CITY – Nakatakdang gawing learning centers para sa mga mag-aaral na apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon ang mga abandonadong housing units sa relocation site sa San Vicente, Tabaco City.
Ayon kay Albay 1st District Representative Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, plano itong gawing learning centers para sa mga estudyanteng mula Grade 1 hanggang Grade 6.
Matatandaan na maraming mag-aaral ang naapektuhan ng kasalukuyang aktibidad ng Bulkang Mayon.
Kinukumpuni na umano ang mga housing units ng humigit-kumulang 100 indibidwal na na-employ sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Dagdag pa ng mambabatas, posible itong matapos sa unang linggo ng Pebrero kung saan tinatayang siyam na units ang magiging handa bilang learning centers.
Samantala, nakatakda ring mag-organisa ang ilang young leaders sa lungsod ng mga aktibidad sa mga evacuation centers sa Tabaco City at Malilipot upang makapaghatid ng kasiyahan sa mga residenteng apektado ng nagpapatuloy na unrest ng Bulkang Mayon.
















