LEGAZPI CITY — Patuloy ang effusive eruption at minor strombolian activity ng Bulkang Mayon ayon sa obserbasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay Mariton Bornas, Chief ng Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, tuloy-tuloy ang paglabas ng lava mula sa crater na nagdudulot ng pyroclastic density currents at rockfall sa itaas ng bulkan.
Ipinaliwanag niya na ang minor strombolian events ay dulot ng pagpisik ng lava kapag nag-rupture ang volcanic gas bubbles, na nagiging sanhi ng lava spray.
Umaagos pa rin ang lava flow sa tatlong gullies ng bulkan, Mi-isi, Bonga, at Basud, dahil sa patuloy na suplay ng lava mula sa crater.
Samantala, panaka-naka ang pagbuga ng lava, at sa kasalukuyan ay wala pang indikasyon ng explosive eruption dahil nananatiling walang pagbabago sa mga binabantayang parameters ng Bulkang Mayon.
















