-- Advertisements --

Pinaghahandaan ng probinsiya ng Albay ang posibilidad ng full-scale eruption ng bulkang Mayon, at ang magiging epekto nito sa mga mamamayan ng naturang probinsiya.

Ayon kay Albay Governor Noel E. Rosal, inihahanda na ng probinsiya ang maaring gawin sakaling lalo pang lumakas ang pag-alburuto ng bulkan, kabilang ang mas malawak na evacuation kumpara sa kasalukuyang ginagawa.

Sa kasalukuyan kasi ay halos tatlong libong katao na ang inisyal na nailikas ngunit kung lalong lumala ang sitwasyon at itaas ang alerto, posibleng aabot hanggang 70,000 katao ang ililikas.

Kaakibat nito ay ang paghahanap ng probinsiya ng akmang lugar na permanenteng mapaglilipatan sa mga residenteng patuloy na naninirahan sa mga anim-na-kilometrong Permamnent Danger Zone (PDZ), kasama ang pakikipag-dayalogo sa kanila upang lisanin na ang lugar.

Tiniyak naman ng gobernador na hindi isasantabi ng provincial government ang livelihood o pagkakakitaan ng mga maaapektuhang mamamayan.

Dahil sa kapapasok pa lamang ng taon aniya, kailangan ng maayos na budgeting, para masigurong hindi magkukulang ang pondo sa buong taon, lalo na kung magtatagal ng ilang buwan ang pag-alburuto ng bulkan at pananatili ng mga inilikas sa evacuation centers.

Dahil dito, binigyang-diin ng gobernador ang pangangailangan ng sapat na tulong mula sa national government, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development, lalo na sa supply ng pagkain atbpang mahahalagang supplies sa mga apektadong residente.

Batid aniya ng provincial government ang limitasyon sa resources nito kung labis na magtagal ang aktibidad ng bulkan at maapektuhan maging ang mga sakahan at business sector sa naturang probinsiya.