Patuloy ang pagpapakita ng matinding aktibidad ng Bulkang Mayon sa ika-32 sunod na araw ng “effusive eruption” nito, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Sabado, Pebrero 7.
Naitala ng PHIVOLCS ang muling pag-agos ng lava o “lava effusion” mula sa summit crater dakong alas-6:03 ng gabi kagabi.
Nagdulot ito ng mga rockfall, incandescent lava flows, at mapanganib na Pyroclastic Density Currents (PDC) o kilala sa lokal na tawag na “uson.”
Ayon sa PhiVolcs, umabot na ang agos ng lava sa 3.77 kilometro sa Basud Gully (silangan), 1.59 kilometro sa Bonga Gully (timog-silangan), at 1.34 kilometro sa Mi-isi Gully (timog).
Batay sa monitoring sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng 401 rockfall events, 17 PDCs, at dalawang volcanic earthquakes.
Nagbuga din ang bulkan ng 1,799 tonelada ng sulfur dioxide.
Kasalukuyang nananatili ang Mayon sa ilalim ng Alert Level 3.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagguho ng mga bato, at nakamamatay na uson na mabilis na bumababa mula sa dalisdis ng bulkan.
















